Bianca King: Nagandahan sa kinang ng showbiz, nag-leave muna sa school
Journal Online
Tuesday, September 28, 2004
Noel Asinas
back to mulawin
This article is archived here just in case the original gets deleted from the source.
WALA sa isip ni Bianca King na pumasok sa showbiz. Hanggang commercial lang ang gusto niyang maabot. Nagsimula siya sa commercial sa edad na 15, ngayong 18 years old lang siya napadpad sa showbiz via telebisyon.
“Nakumbinsi lang ako ng manager (Arnold Pegafria) ko na mas magandang pasukin ang showbis. Happy naman ako bilang main cast ng Mulawin. Sa taas ng rating namin parang ayaw ko nang tumigil sa ang pag-aartista,” pahayag ni Bianca.
Humingi siya ng pahintulot sa kanyang mga magulang na pansamantalang mag-stop sa school. Three times a week ang teyping ng Mulawin. May guesting pa siya sa iba’t ibang show ng GMA 7.
Naka-enrol siya sa University of Asia and the Pacific this year nang nag-decide siyang huminto. Sophomore siya sa College of Liberal Arts sa kursong MassCom.
“Pumayag sila sa rason na ako’y 18 years old na ngayon. Sinabihan ako ng mom ko na one year lang ako mag-leave sa school. Malamang kung wala pa akong 18 ay hindi ako papayagan.
“Kung ako ang masusunod, gusto kong bumalik sa school sa loob ng limang taon.
“Bibigyan ko ng chance ang sarili ko na umunlad ang career sa showbis. So far, so good naman. Nakasama ako sa cast ng Mulawin. Ako si Aviona. Pag Sunday, madalas akong ma-invite sa SOP.”
Malaking break ang ibinigay kay Bianca sa Mulawin. Big role ito dahil sa grupo siya ng mga Mulawin. Love interest din siya ni Aguiluz (Richard Gutierrez).
Tumulong siya kay Aguiluz nang naaksidente ito. Dito sila naglapit na dalawa.
Sa totoo lang hindi na kailangan ni Bianca na mag-join ng showbis. Businessman ang Canadian father niya na si Bryan King, 58. Expert sa computer graphics ang ama ni Bianca. May sariling computer center ang pamilya.
Sa mukha at looks niya akala mo’y Spanish siya. Iyon pala’y half-Canadian, half-Pinay. Nagmana siya ng Spanish look sa mother na half-Spanish, half Filipina.
“Magaling akong magsalita ng Tagalog dahil sa influence ng mother ko. Pero ang father ko’y English ako kung kausapin. Ayaw niyang matutong magsalita ng Tagalog.”
Ipinanganak si Bianca King noong March 18, 1986. Kabilang sa mga commercials niyang nagawa bago pumasok sa showbis ay ang Tender Juicy Hotdog (15 years old siya) Close-up (2000) at Rexona (2003).
Wala siya ngayong boyfriend. Kahihiwalay lang niya sa isang aktor na taga-ABS-CBN. Ayaw niyang banggitin kung sino ito. Huwag na raw. Hindi na mahalaga.
“Ako mismo ang nakipaghiwalay muna. Ayokong may istorbo sa career ko ngayon. Mahirap kapag may nagbabantay at may nagsasabing huwag mong gawin ito. Gusto kong maging malaya.
“Malay natin kami rin after a year o higit pa. Hindi ko pa naman totally isinasara ang puso ko sa kanya.”