back to starstruck
Iba’t ibang suwerte ang dumating kay Nadine Samonte. Kahit hindi siya napabilang sa ultimate survivor ng StarStruck, kabilang siya sa mga talunan na kung tawagin ay StarStruct Avengers.
Ang tinatahak niya ngayon na nagsimula sa unknown ay tulad nina Dina Bonnevie at Maricel Soriano. Pareho noong kabataan nina Dina at Maricel na sila’y nakapagdadala ng pelikula sa box-office. Mainit din ang love team ng dalawa sa kanilang leading man. Si Dina kay Albert Martinez o Gabby Concepcion at si Maricel ay kay William Martinez.
Si Nadine ang unang nabigyan ng big break sa TV bilang solo leading lady sa isang soap, ang Ikaw sa Puso Ko. Kapartner siya rito ni Oyo Boy Sotto.
Kahit sina Jennylyn Mercado at Yasmien Kurdi, na kabilang sa final four noon ng StarStruck, ay walang ganitong role na ibinigay sa kanila ng GMA 7.
Lalo pang kaiinggitan si Nadine nang nag-hit sa boobtube ang afternoon soap nila ni Oyo Boy. Consistent ang pagiging topnotcher ng Ikaw sa Puso Ko. Balita na ang isang season project na soap ay naging three seasons sa telebisyon.
Wala na raw dapat pang ipagtaka kung bakit sinuwerte si Nadine sa kanyang kinalagyan ngayon. Hindi naman kasi lahat ng winner ng anumang contest ay magiging successful sa pagkakapili sa kanila.
Good example niyan ay si Aiza Seguerra. Runner-up lang siya sa Eat Bulaga’s Little Miss Philippines way back noong 80s.
Hindi akalain ng mga TV viewer na ang cute at hindi kagandahang si Aiza pa ang tinanghal na bagong child wonder ng Philippine movies pagkatapos ni NiƱo Muhlach.Sunud-sunod na box-office ang ibinigay ni Aiza.
Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin ang kasikatan ni Aiza nang naging concert at recording artist siya.
Sa suwerte naman ni Nadine, siya ang kauna-unahang Starstruck member na pinagkatiwalaan ng Regal Films para maging bida sa isang love story. Siempre, ang kapartner niya ay si Oyo Boy.
May suwerteng dating ang tambalan nila ni Oyo Boy. Kaya sila ang bida sa Forever My Love ng Good Harvest Productions, sister company ng Regal Films.
“Maaaring magbigay sa Regal ng magic ang tambalan nila. Pag nag-click ang tambalan nila ay magiging trend sa local movies ang love stories. Ganito noon nag-start ang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion tandem via Dear Heart,” pahayag ng isang movie enthusiast na nakausap namin tungkol sa tambalan ng dalawa.
“Nagpasigla ng industriya ang tambalang Gabby at Sharon. Dito nagsimula ang malalaking box-office sa mga youth oriented movies.”
So far, naghihingalo ang movie industry. Kailangan ng isang magic movie na aakit sa mga kabataan na muling pasukin ang cinema houses na ang palabas ay local movies.
Sa pagpasok ni Nadine na sinasabing pinaka-fresh na mukha sa industriya ay magbibigay ng hamon sa kanya sa bagong pinasukan niya, ang industriya ang pelikula.
Tulad ng ibang ibig mag-artista, ang kapalaran ni Nadine ay halimbawa lang. Nag-audition sa StarStruck, nakapasa, sumikat at ngayon bida na sa pelikula at telebisyon.